Wander Sara...

Babala: Ang mga pangalan, lugar at pangyayaring nabanggit o nakapaloob sa maikling kwento na ito ay pawang mga kathang-isip lamang, solong binuo at isinulat ng may-akda. Kung mangyaring nagtugma ito sa karanasan ng iba o sa mga unang nailathala ng ilan sa ating mga manunulat, ipagpaumanhin nyo po dahil ito ay hindi sinadya. 

"Nanay!" Tawag ni Sara habang pupungas-pungas pa ito mula sa mahimbing na pagkakatulog, sabado ng umaga yaon. 

Si Sara, solong anak ng mag-asawang Angge at Olan. Balingkinitan ang katawan, may katamtaman ang tangkad at may maamong mukha. Siya ay bagong gradweyt ng kursong Edukasyon at pangarap na niya talagang maging guro musmos pa lamang. Noon pa man ay mahilig ng mangarap itong bente uno anyos na dalaga. Nakakahiligan nyang magbasa pagkuwa'y mangangarap at mauuwi sa pagka-idlip. Kadalasan nananaginip siyang naglalakbay patungo sa mga nais nyang marating na mga lugar. 

"Uy Sara, nanaginip ka na naman. Nasa likod-bahay si nanay Angge mo nagwawalis ng mga tuyong dahon. Bumangon ka na diyan at maghilamos. Tumungo ka sa bayan at bumili ka ng pandesal para sa agahan natin. Dalian mo at baka maubusan ka na naman", utos ni mang Olan. Siya ang ama ni Sara, singkwenta anyos na at minsan inaatake na ng rayuma at sakit ng likod dahil maaga itong namulat sa pagkakayod kalabaw para makatulong sa pamilya.  

"Ay salamat, panaginip lang pala. Sige po pakilapag nalang po ng perang pambili sa ibabaw ng mesa at bibilisan ko po pumunta doon ng may mainit na pandesal tayo sa agahan", sambit ni Sara.

Ilang minuto lamang ay pumanhik na ito ng bahay. 

Alas singko y media palang ng umaga, sarado pa ang panaderya ni mang Bitoy, alas sais kasi ito nagbubukas. Ngunit isang kilometro pa ang lalakbayin ni Sara para makarating ng bayan kung saan naroon ang panaderya at mga pamilihan.

Maliit lamang ang pook ng San Julian kung saan si Sara ay isinilang at lumaki. Ni isang beses hindi pa siya nakarating ng lungsod ng Maynila o Cebu man lang. Walang dalawanlibo katao ang nakatira dito, malalayo ang pagitan ng mga kabahayan, malinis, mapayapa at kilala bilang "Bayan ng Bayanihan".

Pagkalagpas ng limandaang metro..

"Ang aga pa, maupo muna ako sa ilalim ng punongkahoy".

-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-

"Anak, mag-iingat ka sa Maynila ha? Susunduin ka ng pinsan mo sa terminal ng bus sa Cubao. Maging alerto ka sa mga dala mo at h'wag na h'wag kang sasama kahit kanino hangga't di dumadating pinsan mo. Magdasal ka palagi anak." Paalala ni aling Angge. Pigil ang luha ng kuwarenta y singko anyos na ina ng dalaga. Ang maalalahanin at mabait na ina ni Sara, ngunit mahina ang puso nito at nerbyusin.

"Nay, sama na po kayo.." lambing ni Sara.

"Hindi puwede anak, walang pamasahe nanay mo. Iyang baon mo pinangutang pa namin 'yan. Magtipid-tipid ka doon habang 'di ka pa nakakahanap ng trabaho, alalahanin mo mahirap ang buhay ngayon", saway ni mang Olan.

"Opo", sagot ng dalaga.

"Hayan na ang bus anak, pa'no ingat ka palagi ha, lagi mong tandaan ang mga bilin namin ng tatay mo", halik at yakap ang ipinabaon sa anak. 

"Mahal ka namin anak, sana patnubayan ka lagi ng Panginoon", tugon ni mang Olan at niyapos ng mahigpit ang unica hija.

"Salamat po, mahal na mahal ko din po kayo 'nay at 'tay.. hanggang sa muli po", pamamaalam ni Sara.

***

Malungkot na nilisan ang tahanan at ang bayang kinalakhan kasama ng kanyang mga mahal sa buhay at malalapit na kaibigan, ngunit may halong tuwa at pagkasabik sa kanyang nadarama.

Unang biyaheng mag-isa, unang paglalakbay patungo sa lugar na sa akala niya ay puno ng pag-asa, pag-asang maganda at maginhawang kinabukasan nya.

Nag-iisang anak si Sara kaya't naigapang ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-aaral bilang mga simpleng magsasaka. Habang wala pang perang pangreview sa darating na pagsusulit ay nagpasya muna siyang tunguhin ang Maynila sa pag-asang makakahanap ito ng trabaho at makaipon. 

"Ganitong-ganito ang mga nangyayari sa panaginip ko ah, 'di ko lubos akalain mangyayari ito sa riyalidad. Diyos ko po", sambit ni Sara.

***

Mahigit isang araw ang biyahe mula sa probinsya ng Leyte, narating na nga ni Sara ang lungsod ng Maynila. Pilit na kinukubli ang kaba, napapangiti, napapamangha sa mga naglalakihang gusali at daan-daang mga tao sa kalsada, maging ang bagal ng daloy ng trapiko ay tila unang karanasan pa niya. 

"Eto na nga ang Maynila, nakarating din ako sa wakas. Ganitong-ganito ang mga nakikita ko sa mga pelikula at sa telebisyon, 'di ako makapaniwala."

***

Ilang buwan na ang nakalilipas at pamamalagi ni Sara sa Maynila ngunit hindi naging madali para sa dalaga ang mamuhay at maghanap ng mapapasukang trabaho doon. Nagpalipat-lipat muna ito ng trabaho hanggang sa naging saleslady sa SM. Buwan-buwan siyang nagpapadala, konti man ang sinasahod niya ay pilit na pinagkakasya ang natitirang pera sa panggastos at kung anu-ano pa. Wala pa rin siyang naiipon. 

"Sara h'wag kang mawawala mamaya ha, friday night, dating gawi doon sa may tambayan", himok ng katrabaho ni Sara.

Friday gimik, isang beses sa isang linggo. Dating gawi, food trip then tambay sa bar pagkatapos.

Isang gabi sa bar sa Makati, nagkakilala si Renz at Sara. 

Mahaba ang buhok, may balbas, medyo payat ang pangangatawan ng binatang si Renz, may katamtamang taas, mukhang maykaya at laking Maynila. Natabig at natapon nito ng 'di sinasadya ang baso ng inuming dala ni Sara. Humingi ng paumanhin ang binata at nag-alok pa ito ng libreng inumin kapalit ng natapon. Nagpaunlak naman ang dalaga. Matapos ang isang basong ladies' drink, nasundan ulit ng isa pa at nagsayaw pa ang dalawa. 

Nagpaalam si Sara sa iba pa nyang kasama na mauna na siyang uuwi dahil nahihilo na siya. Nag-alok naman ang binatang si Renz na ihahatid na niya pauwi total may sariling sasakyan naman ito. Pumayag si Sara at sa pag-uudyok na rin ng mga kasama. 

***

"Olan, bigla akong kinabahan. Tumawag ka nga sa anak mo sa Maynila at mangumusta, aba'y ilang araw ng 'di nagpaparamdam ah kahit sa text man lang", alalang pahayag ni aling Angge.

"Angge, baka walang load yung dalaga natin kaya 'di makapag-text. Kalmahin mo sarili mo, eto tubig o inumin mo muna baka atakihin ka ng nerbiyos niyan", kalmang sagot ni mang Olan.

Maya't maya ay nakatanggap ng tawag ang mag-asawa..

Nawawala si Sara, ayon sa pinsan nya. Dalawang araw na ng huli itong makita.

Hinimatay si aling Angge, di makapaniwala sa ibinalita ng pamangkin na nasa kabilang linya ng telepono. Nandoon lamang sa tabi niya si mang Olan hanggang sa nagsidatingan ang ilan sa mga kapitbahay at malalapit na kamag-anak na nag-aalala rin. Ng mahimasmasan ay naluluha sa sobrang pag-aalala ang nanay ni Sara. Hindi nakatulog ng maayos ang mag-asawa sa gabing iyon. Maya't maya ay magte-text sa pamangkin mangungumusta kung natagpuan na ang dalaga.

***

Pangatlong araw na mula ng mawala si Sara. 

"Huli ko siyang nakita kasama ang lalaking nagngangalang Renz doon sa bar sa Makati noong gabi ng biyernes, ika-6 ng Hulyo 2012", pag-amin ng katrabaho at kasama ni Sara sa pinsan nito. 

Ng hapon ding iyon ay nakatanggap ng impormasyon mula sa awtoridad patungkol sa dalaga. 

Si Sara ay natagpuan na.. nakahandusay, sa tabi ng ilog sa isang liblib na lugar sa Laguna, doon ay walang awa siyang ginahasa at pinatay. 

"Diyos ko...!" Tanging 'yon na lamang ang nasambit ni aling Angge bago pa siya natumba at tuluyang nawalan ng malay ng makarating sa kanya ang balita.

-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-

"Nay..."

"Sara gising!" boses ni Budoy.

Siya ang kababata at matalik na kaibigan ni Sara, laging magkaramay at tunay  na magkakampi sa maraming bagay. Matangkad at matipuno ang katawan, isa ring guro sa kanilang bayan at tatlong taon taon ang pagitan nila ni Sara.

"Uy Budoy, ano ginagawa mo rito?" Gulat na naalimpungatang si Sara. 

"Ikaw ang tatanungin ko anong ginagawa mo rito? Alam mo bang kanina pa nag-aalala mga magulang mo sa paghahanap sa'yo? Dito ka pala napadpad sa tabi ng ilog at nakatulog", pahayag ni Budoy.

"Naku lagot! Puyat kasi ako kagabi sa pagseself-review para sa board exam. Ang aga-aga inutusan ako ni tatay pumanhik ng bahay para bumili para sa agahan namin. Naisip ko ang aga pa kaya dito ako dinala ng mga paa ko sa ilog at sa pagmumuni-muni ko sandali 'di ko namalayang nakaidlip ako", paliwanag ni Sara.

"Ganun ba? O siya, halika na ihahatid na kita sa bahay niyo, tiyak halos hihimatayin na si aling Angge sa pag-aalala sa'yo. Lagot ka sa tatay mo sermon aabutin mo", ani ni Budoy. Inabot ang kamay sa dalaga para tulungan itong bumangon.

"Salamat ha! Dahil sa'yo buhay pa ako.." Sabay kurot sa pisngi ng binata. "You're my hero talaga.. hmm!"

Nagtataka sa tinuran ng dalaga, nagtanong habang nangingiti, "Ano ulit 'yon miss pakiulit nga?" 

Nagpatuloy sa paglakad at nagsalita habang 'di lumilingon sa binata, "Wala! Tara na..let's go!"

"Haayy.. Wander Sara, ang dalagang antukin.." bulong ng binata sa sarili.

"Narinig ko 'yon. Tumakbo ka na bago pa kita maabutan at laslasin 'yang nguso mo!" Babala ng dalaga.

Walang sampung minutong narating ng dalawa ang tahanan ng dalaga dahilan na rin sa kulitan, tawanan at habulan nila.



Pagkarating ng bahay..

"Nanay", tawag ni Sara sa walang malay na ina sa may sala katabi ng ama. 

"Anak, nawalan ng malay nanay mo sa sobrang pag-alala sa'yo, 'di ko naman maiwanan kaya si Budoy na inutusan kong maghanap sa'yo. Ano ba kasi ang nangyari, ba't antagal mong di nakabalik ng bahay?" alalang tanong ng ama.

Nagpaliwanag si Sara at mahinahong nakinig ang amang si Olan, habang unti-unti namang nahihimasmasan ang inang si Angge. 

"Lagi ko pong napapanaginipan na sasakay ako ng bus patungong Maynila at doon ko hinahanap ang kung anong naghihintay sa akin na kapalaran.. ngunit kanina iba ang pinahihiwatig nito dahil sa 'di magandang trahedya na nangyari sa akin sa panaginip. Ayaw ko pong mangyari 'yon. Ayaw ko na pong pangaraping makarating sa lungsod", pagsasalaysay ng dalaga.

"Sa tingin ko, nais mong maglakbay sa Maynila, gusto mong maranasan ang buhay sa lungsod kung saan malaki ang kaibahan kumpara sa pamumuhay natin dito sa probinsya. Bakit anak, nagsasawa ka na ba dito sa atin? Lilisanin mo ang San Julian, iiwanan mo kami ng itay mo? Tinig garalgal iyon ni aling Angge.

"Araw-araw, gabi-gabi andaming pangyayari ang 'di kanais-nais sa lungsod, nandoon na lahat, pa'no kung mapadpad ka doon at may mangyari sa'yong masama habang kami ng nanay mo dito ay puno ng pag-aalala para sa'yo. Ginagawa namin ang lahat maibigay lamang namin ang mga pangangailangang alam namin ay importante at makabubuti para sa'yo. Sara, dito ka na lang muna mag-umpisa, dudulog ako kay kapitana  para makapasok ka bilang casual worker sa munisipyo. Kapag nakapagtrabaho ka na, matutulungan mo pa kami ng nanay mo dito sa bahay sa mga libreng oras mo. Tumatanda na kami anak..", dagdag ni mang Olan.

"Di na po, mauulit 'nay, 'tay..." nakayukong humihingi ng paumanhin si Sara sa mga magulang. "Marami po akong natutunan at napagtanto, hindi man ako totoong nakapaglakbay sa Maynila, para na rin po akong nakarating doon gamit ang aking malikhaing imahinasyon at sa pamamagitan ng aking panaginip. Isa lamang ang maipapangako ko, sa'n man ako dalhin ng mga paa at mga pangarap ko, mananatiling nasa puso ko ang San Julian dahil nandito kayong mga mahal ko sa buhay."

"Ehem.. ah e pa'no po alis na po ako, Sara, aling Angge at mang Olan.." Tinig iyon ni Budoy.

Nabaling ang tingin ng mag-anak kay Budoy at napangiti ang tatlo habang nahihiyang napapakamot ng batok si Budoy. 

"Maraming salamat Budoy sa lagi mong pagsaklolo sa amin sa oras ng kailangan namin ang tulong mo." pasasalamat ni aling Angge.

"Dito kana maghapunan Budoy, nakahain sa mesa ang sinigang na manok na may maraming sahog na gulay at mainit na kanin. Sige sabayan mo na si Sara at tiyak kumakalam na mga sikmura ninyo sa gutom. Kami ng nanay mo anak ay kumain na kanina pa nagutom sa paghihintay sa'yo eh gayong kape lang almusal namin kanina", usal ni mang Olan. 

"Opo, salamat po." Sabay na sagot ng magkaibigan. Nahihiya at nangingiting nagkatinginan pa ang dalawa. 


---------------Wakas---------------

Tema: Lakbay
Pamagat: Wander Sara... 
Kategorya: Maikling Kwento

Ito ang aking lahok para sa Saranggola Blog Awards 4 

website

at ng pakikipagtulungan ng
website

at ang kanilang mga sponsors:
website

website

11 comments:

  1. nice naman nagsusulat ka din pla ng wento gracie galing ha

    ReplyDelete
  2. Wow, ibang level ka talaga, may entry ka sa Sarangola Blog Awards. Goodluck Ms Gracie.

    ReplyDelete
  3. Good luck Gracie! Lovely story, I hope you win :)

    ReplyDelete
  4. wow, iba ka talaga Gracie dear! nagsusulat ng tula, maikling kwento, mahilig sa arts, sa photography, ikaw na gurl, ang galing mo talaga, very talented! good luck dito sa entry mo, galing ng story, kala ko may nangyari talaga sa kanya, panaginip pala. hehe... ;)

    ReplyDelete
  5. Wow angaling naman mukhang may mag uuwi ng tagumpay sa dec a, magandang pamasko yon, good luck!

    ReplyDelete
  6. Wow angaling naman mukhang may mag uuwi ng tagumpay sa dec a, magandang pamasko yon, good luck!

    ReplyDelete
  7. sumusulat ko din naman pala. pagkagaling nire.

    may ilan din yata akong post patungkol sa lungsod. ung "sa pagsapit ng dilim"

    tulad ng iyong panaginip, may ganoon ding pangyayari.

    gudlak dito ma'am.

    kagaling eh

    ReplyDelete
  8. @MEcoy try mo rin for sure kaya mo din.

    @Mar kelan ka magpapasa? Go na yan!

    @Zaizai thanks!

    @Tal Oo nga e parang panaginip lang :) salamat!

    @Mcrich Sana may magdilang anghel ang idol ko dyan hehe, para uwi agad ako hehe

    @Tambay sir Banjo pumasa ba sa panlasa mo? hehe, mabasa nga yung akda mo nacurious ako e. Salamat sa suporta!

    ReplyDelete

A Penny For Your Thoughts?

I would like to know what you guys think, so please don't hesitate to leave comments. Thank you so much!

Powered by Blogger.