Tiyahin

Unang nakapag-abroad sa aming pamilya ay ang aking tiyahin. Siya ay nasa kolehiyo na nuon at binisita ng kanyang kaibigan sa panulat(penpal) na norwegian seaman. Nagkaibigan sila at naging seryoso itong seaman hanggang sa pangalawang balik nya, minabuti nyang hingin ang kamay ng aking tiyahin sa kanyang mga magulang at saka sila nagpakasal. Sumama sya at nanirahan sila sa bansang Norway. Nagkaroon sila ng dalawang supling. Bagama't hindi pinalad na tumagal ang kanilang relasyon, masaya naman sila ngayon sa sari-sarili nilang desisyon sa buhay. 



Pangalawang nakapag-abroad sa tulong ng aking tiyahin ay ang aking pinsan na nakapagtapos ng nars. Naging matagumpay sya at kasunod nito tinulungan nya ang kanyang asawa na makapunta din. Dalawa ang kanilang naging supling. 


Sumunod namang nag-abroad ang aking kapatid na nars din. Ang tiyahin ko pa din ang sumuporta sa pag-aaral at pag-aabroad nya. Sa Norway din ang destinasyon kung saan dito din sya itinadhanang ikasal sa isang binatang norwegian. Ngayon ay biniyayaan sila ng dalawa ding supling.


Nakapunta din ang aking isang pinsan sa tulong ng aking tiyahin pero di nagtagal umuwi din ng Pinas at nag-asawa ng Pinoy pagkatapos ng kanyang kontrata sa trabaho. 


Then ako na yung sumunod na nag-abroad nuong 2007 dahil sa tulong nilang lahat nakakuha din ako ng dalawang taong kontrata na trabaho dito sa Norway. Mahirap ang linggwahe dito, mahal ang bayarin sa eskwelahan kung mag-aaral ka ng linggwahe nila at lalong mahirap mabuhay sa bansang ito dahil lahat ay napakamahal. 


Habang papalapit yung pagtatapos ng dalawang taon, minabuti kong mag-apply sa bansang Denmark at Canada. Sa mahigit isang taon kong pamamalagi sa banyagang bansa kahit na mahirap ang aking pinagdaanan, naisip ko pa ding ipagpatuloy ang aking paghahahanapbuhay sa karatig bansa. Kung di man ako palarin nuon sa Denmark, pilit kong aabutin ang Canada at least doon English ang salita nila, hindi ako masyadong mahihirapan.


Hininto ko ang aking relasyon sa isang may edad na norwegian. Hindi ko na din kinausap ang isa kong manliligaw na binatang norwegian dahil sa tingin ko sagabal sila sa mga plano ko sa buhay lalo na sa pangingibang bansa ko. Di naman ako nabigo sa aking desisyon dahil Nobyembre ng makuha ako sa trabaho sa Denmark, hintay ko nalang makuha ko ang aking visa papunta doon at ilang nalalabing buwan sa pagtatapos ng aking kontrata. Panay din ang tawag mula sa Canada ng magiging employer ko doon. Na-confuse tuloy ako kung alin ang ipupursige ko. 


Dumating ang Disyembre. Nakilala ko si Per, Pedro sa wikang tagalog, isang physical therapist at local politician. May bigote at may edad na din. Hindi sya ang tipo kong lalaki pero madali ko syang nakapalagayan ng loob. Dahil wala ako nuong internet sa bahay, tumatawag sya sa akin gabi-gabi. Mabilis at masigasig sya sa isip-isip ko. Seryoso tong taong to at nahuhulog na ang loob ko. Dahil sa kanya mas naging masayahin at naging positibo ako sa aking pananaw sa buhay. 


Dumating ang pagkakataong kailangan ko ng pumili sa tatlo - Canada, Denmark o si Pedro. Oo kasama na sya sa choices ko dahil mahal ko na sya. Sabi ng sa Canada employer ko, i-confirm ko yung sa Denmark employer na di ako matutuloy dun dahil sa Canada ako pupunta. Sabi naman ng sa Denmark employer ko, wag ko na ipagpatuloy yung pag-aapply ko sa Canada dahil sigurado na daw ako sa Denmark ang punta pagkatapos ng kontrata ko sa Norway. Ito naman sabi ni Pedro, "Dito ka nalang wag mo nalang akong iwan. Magpapakasal tayo. Ayokong mawala ka..."


Pinili ko ang sinisigaw ng aking damdamin. Si Pedro yun. Naglakas loob akong sabihin sa aking mga magulang, kamag-anak at mga kapatid. Sang-ayon sila sa aking naging desisyon, maliban lang sa aking tiyahin. 


Makalipas ang dalawang taon, nagreunion kami kasama ang aming mga kamag-anak dito sa Norway. Ako ay isa ng ganap na maybahay ni Pedro. Binati ng aking butihing asawa ang aking tiyahin sa unang pagkakataon. Yakap naman ang itinugon pabalik ng aking tiyahin. Nakangiti ako ng palihim habang nakita ko sila sa di kalayuan. Ibig sabihin ba nito'y tanggap nya na rin si Pedro ko? 


Sa ngayon mangilan-ngilan na ding pamilyang pagtitipon namin ang aming napuntahan. Ayun kay Pedro, ramdam nyang ganap na nga syang parte ng aming maliit na pamilya sa Norway. Lalo na kay tiyahin ko, ako man ay nagulat din nung bigyan nya ng isang regalo at bumulong, "...gawin mo yan para mabuntis kana." Natawa nalang ako at laking tuwa din naman ni Pedro ng marinig nya kung ano ang ibinulong sa akin ng pinakamamahal na tiyahin namin :D

Comments

  1. Wow. Ano to.. based on a true story? Or baka story mo to? :)

    Ang ganda naman.. ganun naman talaga pag tunay ang pagiibigan. Meron mang hindi gusto, meron mang hindi sangayun, true love always prevails. :)

    Perfect choice naman pala. Hindi dapat pagsisihan na pinili niya si Pedro. :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. Oo Ms Leah, based on true story yan. Ako ang gumanap na Pedro hahaha joke, istorya ko talaga yan. Di ko akalain maidedeliver ko ng maganda yung story kasi alangan pa ako mag-open up sa personal na mga bagay, pero ayan nagawa ko na kaya unti-unti nyo na ako makikilala :)

      Delete
  2. ang haba. hehe. but this is one great story ate. ^_^

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thank you, I'm glad may nakakaappreciate ng story ko. Someday pag matanda na ako di ko na kailangan tandaan lahat dahil sigurado mahina na memory ko nun, magbabasa nalang ako then mareminisce ko na mga nangyari sa buhay ko.

      Delete

Post a Comment

A Penny For Your Thoughts?

I would like to know what you guys think, so please don't hesitate to leave comments. Thank you so much!

Popular posts from this blog

EMOTIONS

One of the Finest Church in Norway

Pano nga ba ulit magblog?